Uncategorized

Masaganang Katubigan, Hindi Tambakan

QUEZON CITY. Muling nanawagan ang samahang EcoWaste Coalition sa pamahalaan at sa publiko na pangalagaan ang mga katawang-tubig ng bansa at huwag itong gawing tapunan ng basura sa paggunit ng World Water Day.

“Ang Pilipinas ay isa sa mapalad na bansa na nabiyayaan ng masaganang karagatan, ilog at lawa. Ang malinis na suplay ng tubig ay unti-unti ng nawawala kaya’t ang mga natitira nating katubigan ay huwag nating hayaang maging tambakan ng basura,” wika ni Rei Panaligan ng EcoWaste Coalition.

Ayon sa tala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mula sa 421 na ilog at 20 malalaking katawang-tubig, umaabot sa 50 mahahalagang ilog sa bansa ang maituturing ng “biologically dead” o wala ng kakayahang magsustento ng buhay.

“Ang pagkamatay ng katawang-tubig ay pagkamatay rin ng kabuhayan at kultura ng isang lugar,” wika ni Panaligan.

Ilan sa kanyang hinalimbawa ng grupo ay ang paghina ng turismo sa Hinulugang Taktak sa Rizal, Tingga Falls sa Batangas at Lawa ng Laguna dahil sa pagbagsak ng kalidad ng tubig dulot ng polusyon.

Samantala, tinukoy naman kamaikalin ng grupong Ocean Conservancy ang Pilipinas bilang pangalawa sa may pinakamaraming basurang nakolekta sa karagatan. Sa ulat na “A Rising Tide of Ocean Debris” lumalabas na mahigit 1,355,236 panapon ang nakolekta sa mga dalampasigan at dagat ng bansa sa nakaraang International Coastal Clean up noong Setyembre 2008. Ang plastic bags, paper bags at food wrappers ang pangunahing panapon na nakolekta sa dagat.

“Ang epekto ng polusyon ay tumatalima sa napakaraming komunidad at buhay. Pangalagaan natin ang ating mga katubigan sa panamagitan ng paggalang at hindi pagtatapon ng basura rito,” wika ni Panaligan.

EcoWaste Coalition
Unit 320, Eagle Court Condominium, Matalino St.
Quezon City, Philippines
+63 2 9290376
ecowastecoalition@yahoo.com