Uncategorized

8 Patay sa Pag-inom ng Lasong Silver Cleaner

Quezon City. Ikinabahala ng EcoWaste Coalition, isang toxic watchdog, ang tila walang patid na mga kaso ng pagkalason mula sa pag-inom ng silver cleaner sa gitna ng kautusang mahigpit na nagbabawal sa pagtitinda nito.

Ayon sa grupo, walong Pilipino na may idad 2 hanggang 47 ang naiulat na namatay mula Disyembre 8, 2010 hanggang Enero 21, 2011 dahil sa aksidente at hindi aksidenteng pagtungga ng silver cleaner.

Sa walong kaso ng pagkamatay na nailathala sa mga pahayagan, anim ang tahasang uminom ng silver cleaner para magpatiwakal at matakasan ang mga pasaning problema sa buhay.

Dalawa naman sa walong kaso ay mga paslit na nalason at nasawi matapos mapagkamalang inuming tubig ang likidong panglinis na may cyanide at iba pang mapanganib na kemikal.

Kabilang sa mga naitalang nasawi noong Disyembre 2010 sina Rea Patricio, 14, ng Navotas City na namatay noong Disyembre 8; Manny Bacani, 2, Muntinlupa City, Disyembre 16; at Marissa Ruega, 19, Caloocan City, Disyembre 19.

Sa pagpasok ng taong 2011 ay nasawi naman sina Armando Fabon, 47, Caloocan City, Enero 11; Christine Gomez, 2, Santiago City, Isabela, Pebrero 2; Jenny Rose Aspe, 17, Manila, Pebrero 2; Jade Dinero, 39, Caloocan City, Pebrero 3; at Mary Jane Sahi, 27, Manila, Pebrero 21.

Dahil dito ay nag-apila ang EcoWaste Coalition kay General Raul Bacalzo ng Philippine National Police na magsagawa ng kaukulang aksyon upang masugpo ang walang habas na kalakalan sa mga ipinagbabawal na panglinis ng mga alahas na pilak.

“We recommend immediate police operations against unscrupulous silver jewelry shops and vendors to send a strong and unequivocal message that the government means business when it comes to protecting human lives against deadly silver cleaning agents,” sabi ni Roy Alvarez, Pangulo ng EcoWaste Coalition, sa kanyang liham sa hepe ng PNP.

Ipinagbabawal sa ilalim ng Joint DOH-DENR Advisory 2010-001 ang paggawa, pag-angkat, pamamahagi at pagtitinda ng silver cleaner na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) at walang nararapat na tatak (label).

Sa isinagawang pagsisiyasat ng AlerToxic Patrol ng EcoWaste Coalition ay laganap pa rin ang pagbebenta ng mga silver cleaner na hindi rehistrado at hindi markado sa Metro Manila, laluna sa mga silver jewelry store sa Baclaran, Divisoria at Quiapo.

Sa listahan ng FDA ay pitong produkto lamang ng “stainless/metal polish” ang rehistrado sa ahensya. Ito ang 3M , Kiwi, Pledge, Primo, Suma Silver D8 Liquid Cleaner, Suma Stainless Steel Polish (for professional use only) at Activ M1 Instant Acid Silver Destainer (for industrial use only).

“Kung hindi masusugpo ang talamak na bentahan ng silver cleaner ay magpapatuloy ang kalunus-lunos na pagkalason at pagkamatay ng ating mga kababayan dahil sa lasong ito,” babala ng EcoWaste Coalition.

-tapos-